Ibinalik na sa general community quarantine (GCQ) ang Talisay City sa Cebu simula kahapon, Hunyo 22.
Ito ay matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force on coronavirus disease 2019 (COVID-19) response ang rekomendasyon ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu.
Magugunitang, isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang lungsod simula noong Hunyo 16 dahil sa umano’y mataas na banta ng COVID-19.
Sa kabila naman ng panunumbalik sa GCQ ng Talisay City, nais pa rin ni Mayor Gerald Gulas na manatili ang mahigpit pagpapatupad ng mga protocol kontra COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay gullas, mananatili pa rin sa Talisay City ang mga pulis at militar na una nang idineploy sa lungsod noong isinailalim sila sa MECQ.
Patuloy din aniyang susundin ang patakaran sa paggamit ng quarantine passes at hindi pa rin papayagan ang hindi mahahalagang paglabas ng bahay o pagbiyahe ng mga residente.
Sa pinakahuling tala ng Talisay City Public Information Office, nasa 91 ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 60 ang nakarekober habang 27 ang nasawi.