Nagkasundo ang pamahalaang panlalawigan ng Cebu at Regional Inter-Agency Task Force (IATF) na ibaba sa general community quarantine (GCQ) ang umiiral na moderate enhanced community quarantine (MECQ) sa Talisay City.
Ito ang inihayag ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia matapos aniyang umapela ni Talisay City Mayor Samsam Gullas.
Ayon kay Garcia, humingi ng tulong si Mayor Gullas sa provincial government para maitama at palitan ang pananaw na nananatiling mataas ang banta ng COVID-19 sa Talisay City.
Sinabi ni Garcia, alinsunod sa panuntunan ng IATF, maaaring magpatupad o alisin ng provincial government ang umiiral na quarantine classification sa nasasakupan nitong siyudad o munisipalidad basta’t sasang-ayunan ng regional IATF.
Inaasahan namang magpapalabas ng resolusyon ang Regional IATF hinggil sa pagpapatupad na ng GCQ sa Talisay City.
Una na ring inalmahan ni Mayor Gullas ang aniya’y maling report na nakarating sa national IATF kung saan sinasabing wala pang nakakarekober mula sa COVID-19 sa lungsod.