Nag-sorry na sa Department of the Interior and Local Government (DILG) si Vice Mayor Charlie Natanauan ng Talisay, Batangas sa mga naging pahayag laban sa PHIVOLCS.
Gayunman, sinabi ni Natanauan na pinaninindigan niya ang pagbatikos sa PHIVOLCS dahil mas pinaniniwalaan niya ang karanasan ng kaniyang pamilya sa Bulkang Taal sa loob ng limang dekada na isang beses lamang pumutok.
Ayon kay Natanauan, hindi siya kumbinsido sa PHIVOLCS sa pahayag nitong tatagal pa ng ilang buwan ang aktibidad ng Taal Volcano lalo na’t nasira na ang equipment ng ahensya.
Bukas naman si Natanauan sa pagsunod sa lockdown subalit umaapela pa rin siya aniyang magbigay ng window hours para makabalik ang mga residente sa kanilang bahay.
Samantala, nasa kaniyang bahay pa rin na sakop ng danger zone nananatili si Natanauan at abala umano sa paglilinis ng mga abong ibinuga ng Bulkang Taal.