Pinakakasuhan na ng Department of Justice si Talitay, Maguindanao Vice Mayor Abdulwahab Sabal na kasama sa listahan ng mga narco official at iniuugnay sa pagsabog sa Davao City.
Nakasaad sa Resolusyon ng DOJ na may probable cause para kasuhan sa Korte ng kasong illegal possession of firearms and explosives sina Sabal, asawa nitong si Mohanna at dalawang iba pa na sina Nasser Maulana at Norodin Abas.
Ang nasabing resolusyon ay pirmado ni Assistant State prosecutor Gino Santiago at aprubado nina Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon at Prosecutor general Claro Arellano.
Mahaharap naman si ginang Sabal sa hiwalay na kasong possession of dangerous drugs matapos siyang makuhanan ng 12 sachet ng shabu.
Bukod sa shabu, nakuha mula sa grupo ni Vice Mayor Sabal ang improvised explosive device, mortar round, hand grenade at mga baril.
By: Meann Tanbio / Bert Mozo