ASEAN PAANO ISINILANG?
Nabuo noong Agosto 8, 1967 sa Bangkok Thailand, isa ang Pilipinas sa mga bansang unang lumagda kasama na ang Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand para itatag ang Association of Southeast Asian Nations o mas kilala bilang ASEAN.
Si dating kalihim Narciso Ramos ng Department of Foreign Affairs o DFA ng Pilipinas ang itinuturing na isa sa mga ‘founding fathers’ ng ASEAN.
Kasama ni Ramos na lumagda sa ASEAN declaration ang iba pang ‘foreign ministers’ na sina Adam Malik ng Indonesia, Tun Abdul Razak ng Malaysia, S. Rajaratnam ng Singapore at Thanat Khoman ng Thailand.
Sakop ng dokumentong nilagdaan na nagdedeklara sa pagkakatatag ng ASEAN ang kooperasyon ng mga nasabing bansa pagdating sa larangan ng ekonomiya, kaunlarang panlipunan, pagsulong ng mga kultura sa mga kasaping bansa, pang-edukasyon at iba pang larangan.
Ito rin ay upang maitaguyod at mapalaganap ang kapayapaan sa rehiyon at mapanatili ang pagrespeto sa hustisya, karapatan at pagsunod sa mga batas na napapaloob naman sa mga itinakdang prinsipyo ng United Nations Charter.
Kasama ng Indonesia, Thailand, Pilipinas, Singapore at Malaysia, sunod na sumapi sa organisasyon ng ASEAN noong 1984 ang Brunei, 1995 ang Vietnam, Laos at Myanmar noong 1997 at Cambodia naman noong 1999.
ASEAN Summits
Ginanap sa Bali, Indonesia ang kauna-unahang ASEAN Summit noong 1976.
Taong 1987 naman nang maging host ang Pilipinas sa unang pagkakataon ng ASEAN Summit sa panahon ng noo’y dating Pangulong Corazon Aquino.
Sinundan ito sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong 2007.
Ngayong taon muling napili ang Pilipinas na maging Chairman ng 31st ASEAN Summit kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng organisayon.
May temang… “Partnering for Change, Engaging the World” sinasalamin nito ang adbokasiya ng gobyerno ng Pilipinas na maitaguyod ang pagkakaisa sa mga bansang kasapi ng ASEAN kasama na ang iba pang global partners nito.
Maliban sa mga miyembro ng ASEAN, magiging dialogue partners sa pulong ang mga bansang:
Australia – Prime Minister Malcolm Turnbull
Canada – Prime Minister Justin Trudeau
China – Premier Li Keqiang
European Council – President Donald Tusk
Japan – Prime Minister Shinzo Abe
India – Prime Minister Narendra Modi
New Zealand – Prime Minister Jacinda Ardern
Russia – Prime Minister Dmitry Medvedev
South Korea – President Moon Jae-In
United States – President Donald Trump
United Nations – Secretary General Antonio Guterres
TALO O PANALO SA ASEAN?
Sa loob ng limampung taon, marami nang naisakatuparan ang ASEAN sa iba’t ibang larangan.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Spokesman Robespierre Bolivar, kung dati ay political ang strategic environment ng ASEAN, ngayon ay nakatutok na rin ito sa pagbuo ng mas maganda at malapit na relasyon sa mga kalapit na bansa hindi lang sa aspetong pulitikal pero pati sa aspeto ng investment, economy, trade, socio-cultural, climate change at ‘yung pagpoprotekta sa migrant workers.
Sa usapan naman ng trade, mas naging bukas pakikipagkalakalan dahil sa mga uniform agreements at regulasyon sa trading.
Climate Change
Dagdag ni Bolivar, isa mga pangunahing kinakaharap na problema ng ASEAN community ay ang banta ng climate change.
Ayon kay Bolivar ang rehiyon ng South East Asia ay bantad sa mga kalamidad na maaaring dulot ng pagbabago ng klima. Ito ang naging hudyat ng pagkakabuo ng ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Affairs.
Sa katunayan nang sumalanta ang tinaguriang isa sa mga pinakamalakas na bagyo sa Eastern Visayas, ang super bagyong Yolanda, isa sa mga unang nagpahatid ng tulong ang ASEAN.
“Nasa isang rehiyon tayo. Marami tayong pare-pareho na kinakaharap na challenges katulad ng climate change. Very disaster prone ang ating rehiyon. Nagkaroon tayo ng ASEAN Coordinating Center for Humanitarian Affairs, nasubukan natin na after ng Bagyong Yolanda, ito ang unang nagroll-out ng humanitarian relief assistance sa ating mga nasalantang kababayan sa Leyte. Ito ay isang magandang halimbawa ng cooperation ng ASEAN.” Pahayag ni Bolivar
Business community and information campaign
Kung pag-uusapan ang kamalayan patungkol sa ASEAN, sakop ng malaking porsyento nito ang business community sa bansa. Pero ayon kay Bolivar…there’s always room for improvement at ito ang mga ordinaryong tao.
“Sa business community, malaki naman ang awareness bagamat there’s always room for improvement. ‘Yun sana ang goal natin sating chairmanship this year, na ma-reach din natin ang ordinary people o ‘yung man in the street para mas lalo nilang malaman kung ano ang positibong epekto ng ASEAN sa kanilang mga buhay. Kaya naging very active kami, hindi lang ang DFA pero maging ang ating partner agencies para sa information campaign.” Dagdag ni Bolivar
Para naman kay Department of Trade and Industry o DTI Undersecretary for Regional Operations Group Zenaida Maglaya layunin naman ng DTI na targetin ang mga microentrepreneurs o ang mga maliliit na negosyante na makinabang din sa ASEAN Economic Integration.
“Ang pakay natin is we can maximize the benefits of ASEAN Economic Integration, ibig sabihin yung merkado ng ASEAN na 600 million consumers ay sana tayo rin ay maging bahagi o suppliers din ng kanilang merkado. Ang gusto nating mangyari, hindi lang mga malaking negosyante ang mag-benefit dito sa ASEAN Economic Integration pati ‘yung ating mga microeconomic entrepreneurs na mga nasa kanayunan by being suppliers to these companies and to the exporters. Kaya nga ginagawa namin sa DTI, we capacitate them, we train them, product development para pagandahin ang produkto nila.” Ani Maglaya
Economy and Tourism
Bagamat aminado si Bolivar na malaki ang nilaan na pondo ng bansa para sa pagho-host ng ASEAN 2017 kung saan ay umaabot ito ng 15 bilyong piso, malaki naman aniya ang naitulong at maitutulong pa nito sa ekonomiya at turismo ng bansa.
“Nakapakalaking halaga nito para mag-host ng series of meetings sa ASEAN. But let’s look on the other way. Unang una naging direct impact nito sa ating ekonomiya, simula January hanggang sa magtapos ang ating chairmanship sa katapusan ng December iba’t ibang delegado ang pumupunta sa ating bansa para umattend ng mga meetings. Doon pa lang sa dami ng hotel rooms na kanilang tinutuluyan, ‘yung mga pagkain na kanilang kinakain pati ‘yung mga souvenirs na binibili at ‘yung ginagawa nila matapos ang meeting, doon pa lang of course, even we don’t have the numbers, masasabi natin na lubos lubos na ang bawi natin sa ginastos natin. ‘Yung hosting, sagot talaga ng chairman countries, but ‘yung travel expenses sagot ng kanya-kanyang bansa.” Pahayag ni Bolivar
Ayon naman sa pinuno at Deputy Governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP na si Diwa Guinigundo, layunin din ng bansa na tanggalin ang alinman o anumang maaaring maging balakid upang mapalago ang ekonomiya.
“Kung mayroon pang obstacle o restriction sa trade, investment, capital flow sa ta banking, iyan ay unti-unti na nating inaalis nang sa ganun ay mas maging malawak at at malaya ang pagapasok at paglabas ng maumuhunan mula Singapore or Thailand for example papunat s aPilipinas at siyang namumunuhan sa atin pwede ring makapunta sa kani-kanilang merkado. Isang konretong halimbawa ay ating pag-encourage ng pagpasok ng ibang bangko sa ating Pilipinas pero ang bangko natin ay pwede ring makapunta sa ibang bansa sa ASEAN, mas maramig produksyon at higit na mas maraming trabaho ang mabubuksan.” Paliwanag ni Guinigundo
Trade
Dahil sa pagkatanggal ng taripa o ang buwis na ipinapataw sa mga inaangkat o iniluluwas na kalakal, ito ay maaaring maging hudyat upang mas lumawak pa ang investment sa ating bansa.
Sa katunayan, sinabi ni Department of Trade and Industry Undersecretary for Regional Operations Group Zenaida Maglaya tayo lang ang nag-iisang bansa na naipasok sa General System of Preference o GSP ng Europa kung saan ang Pilipinas ay maaaring magpasok ng nasa 6,000 commodities nang walang taripa.
“Mayroon tayo General System of Preference for European. Sa Europe naman ito. Isa tayo sa bansa na pinasok ngayong taon na ito, actually last year, pinasok ang Pilipinas as one of the countries na pwedeng mag-avail ng GSP. Dahil dito, there are over 6,000 commodities na pwedeng magpasok sa Europe na zero ang tariff. Because of this we can be an investment hub, kapag mayroong ibang bansa na gustong magbenta sa Europe, para ma-avail nila ‘yung GSP, kailangan manggaling sa Pilipinas ang kanilang production, so they can put up factories here and plants para sila ay magmanufacture dito para kung magbebenta sila sa Europe galing Pilipinas, they can avail the zero tariff. Competitive din ang presyo dahil malaki na ang kabawasan.” Paghayag ni Malaya
By Ira Cruz / Aiza Rendon
Narito ang mas malalimang pag-SIYASAT ng DWIZ sa kahalagahan ng pagkakabuo ng ASEAN.
PAKINGGAN:
—-