Asahan ang makabayan, makabuluhan at makapangyarihang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address sa Batasan Pambansa, mamayang hapon.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Martin Andanar, posibleng tumagal ng 38 minuto ang speech ni Pangulong Duterte hindi pa kasama rito ang mga palakpak.
Sumailalim anya sa 10 revisions ang isinulat na talumpati ng Pangulo na inaasahang gigising sa diwang makabayan ng bawat Pilipino.
Aminado si Andanar na napaiyak siya nang una niyang mabasa ang speech na inaasahan niyang magiging emosyonal.
Kabilang sa mga tututukan sa unang SONA ang mga polisiya ng administrasyon sa halip na mga drama bilang bahagi ng mga pagbabago.
Security
Handang protektahan ng mga sundalong nakatalaga kasama ang mga pulis sa Commonwealth Avenue, Quezon City ang mga demonstrador at panatilihin ang kaayusan sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Col. Vic Tomas, commander ng Task Force National Capital Region, mas pinalapit o 600 meters ang distansya ng mga demonstrador sa mga law enforcer o hanggang Saint Peter’s Church taliwas sa mga nakaraang SONA.
Kasalukuyang naka-red alert na ang Armed Forces of the Philippines sa Metro Manila at walang namomonitor na banta sa seguridad sa paligid ng Batasan Pambansa.
Nagkasundo na rin anya sila ng mga militanteng grupo hinggil sa kanilang designated area.
Tinatayang 10,000 miyembro ng bagong Alyansang Makabayan at Akbayan ang susugod sa Commonwealth upang magpakita ng kanilang suporta sa halip na magprotesta.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)