Nagkaroon ng sitahan sa okasyon ng mga miyembro ng Philippine Women Judges Association sa kanilang ika-23 National Convention sa Manila Hotel, kahapon.
Ito’y makaraang agad lumapit sa mikropono si Associate Justice Teresita Leonardo- de Castro kung saan humingi ito ng paumanhin sa audience sa inasal ni On Leave Chief Justice Maria Lourdes Aranal Sereno.
Ayon kay Justice De Castro, nakalulungkot na sinamantala ni Sereno ang pagkakataon sa kanyang talumpati na talakayin ang mga paksang nakabinbin sa Korte na hindi na dapat ginawa ng punong mahistrado.
Matapos nito ay kapansin-pansin naman na nagpalakpakan ang marami sa mga dumalo sa pagtitipon.
Naging mainit at palaban si Sereno sa kanyang naging talumpati sa harap ng mga miyembro Philippine Women Judges Association kung saan hayagan niyang binatukos ang House Justice Committee na dumidinig ng impeachment complaint laban sa kanya.
Iginiit ng punong mahistrado na pinagkaitan siya ng kanyang karapatan na komprontahin at i-cross examine ang mga testigo at resource person na sumalang sa Kamara na patunay ng pagiging hindi patas na pagtrato sa kanya ng kumite.
-Bert Mozo