Halos buo na ang binabalangkas na talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang ikalawang SONA o State of the Nation Address sa Lunes, Hulyo 24.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Martin Andanar, nasa 80% hanggang 90% na ang draft ng talumpati ng Pangulo at araw-araw ay may nadaragdag na mga inputs.
Aniya, magiging highlights ng talumpati ng Pangulo ang mga nagawang pagbabago alinsunod sa inilargang kampanya ng pamahalaan kontra korapsyon, kriminalidad at iligal na droga.
Dagdag ni Andanar, posible ring mabanggit ang isyu ng martial law at ang pakikipagbakbakan ng pamahalaan laban sa Maute Terror Group sa Marawi City.
PNP hindi maglalagay ng anumang barikada sa SONA
Hindi na maglalagay ng mga container vans o anumang barikada laban sa mga rallyista ang PNP o Philippine National Police.
Ito ay ayon kay NCRPO Chief Director Oscar Albaylde, matapos na pumayag ang Office of the President na palapitin ng labing limang metro hanggang sa dalawampung metro sa south gate ng Batasan ang mga militante.
Pagtitiyak pa ni Albayalde, kanilang paiiralin ang maximum tolerance at pinagbawalan na rin ang mga pulis na magbitbit ng baril, shield at baton.
Posible rin aniyang pasyalan ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang mga militante sa labas ng Batasan.
Gayunman, sinabi ni Albayalde na magpapakalat sila ng mga mobile jail kung saan ikukulong ang sinumang manggugulo o lalabag sa batas sa araw ng SONA.
- Krista De Dios | Story from Aileen Taliping / Jonathan Andal