Isasapinal na ngayong weekend ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang magiging talumpati sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) na gaganapin sa Lunes, Hulyo 25.
Ayon kay Executive Secretary Victor Rodriguez, mismong ang Presidente ang gumagawa ng kanyang talumpati kaya abalang-abala ito ngayon.
Mababatid na kaninang umaga ay isiningit lamang ng Pangulo ang kanyang dalawang schedules at pagkatapos ay agad din itong bumalik sa pagsasapinal ng lalamanin ng kanyang talumpati.
Hindi pa naman mabigyang-linaw ng kalihim kung ilang pahina ang magiging talumpati ng Punong Ehekutibo.
Samantala, posible naman aniya na nakapaloob sa SONA ng Pangulo ay ang ekonomiya, pagsisimula ng face-to-face classes sa pagbubukas ng darating na pasukan at COVID-19 response.