Hinimok ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles ang mga lokal na pamahalaan na itapon ng maayos ang mga faceshield na hindi na gagamitin.
Ayon kay Nograles, gabundok na ang problema ng bansa sa basura kaya hindi na dapat dumagdag pa sa problema ang hindi tamang pagtatapon nito.
Dagdag ng kongresista, hindi sapat na sabihing itago o gamitin na lamang ito sa ibang bagay o di kaya’ iasa sa mga kabahayan ang pag-reuse o recycle nito dahil ang kailangan aniya ay makipagtulungan ang mga local government units o LGUs sa mga plastic firm para marecycle ito ng tama.
Suhestyon pa ni Nograles, maaaring magsagawa ang mga LGU ng mga pagtuturo sa tamang pagrerecycle at muling paggamit nito gaya ng parol o belen making activity lalo’t nalalapit na ang pasko.
Batay sa tala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), tinatayang 65 milyong faceshield ang ginagamit araw araw mula sa 21.8 milyong kabahayan sa buong bansa. —sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)