Ikinatuwa ng palasyo ang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumabas na mayorya ng pamilyang Pilipino ang nakatanggap na ng tulong pinansyal mula sa gobyerno simula nang mag-umpisa ang COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinapakita lamang ng resulta ng naturang survey na nagampanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nito sa mga Pilipino na hindi pababayaan ang mga naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa COVID-19 pandemic.
Patunay rin aniya ito na nakaabot ang tulong ng pamahalaan sa mas nakararami sa gitna ng pandemya.