Hindi tutol si Independent Philippine Petroleum Companies Association President Atty. Bong Suntay sa panukalang paggamit ng mga motorcycle taxis bilang alternatibong solusyon sa problema sa trapiko sa bansa.
Ayon kay Suntay, matagal nang ginagamit bilang alternatibong transportasyon ang mga motorsiklo o tinatawag na habal-habal sa mga lalawigang wala o madalang ang regular public transportation.
Ginagamit na rin aniya ang nasabing paraan ng transportasyon sa kalakhang Maynila bagama’t hindi pa ito kinikilala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Gayunman, iginiit ni Suntay na dapat matiyak ang tamang implementasyon at maisasailalim ito sa regulasyon.
“Ang nakikita ko lang later on if it’s not properly implemented or regulated maaaring magdulot ng kapahamakan, dito sa atin walang formal training ang mga gumagamit ng motorsiklo, progression kasi kapag marunong kang magbisekleta later on gagamit ka ng scooter, maaaring malapit sa disgrasya, siguro kung gagawa tayo ng regulasyon ukol diyan kailangan we have to ensure na ang mga magsasakay ng pasahero using motorcycles ay may formal training.” Pahayag ni Suntay.
(Balitang Todong Lakas Interview)