Labis na ikinadismaya ni Bishop Francis De Leon ng Archdiocese of Antipolo ang saku-sakong basurang iniwan ng mga deboto sa Antipolo Catherdral sa Rizal.
Ito’y makaraang umani ng batikos mula sa mga ‘netizen’ ang Facebook post kung saan makikita ang kalat na iniwan ng mahigit apat (4) na milyong deboto na lumahok sa alay-lakad bilang bahagi ng Visita Iglesia noong Huwebes Santo.
Ayon kay Bishop De Leon, dapat isa-isip ng mga deboto na ka-akibat ng sakripisyo ang pagtatapon ng basura sa tamang basurahan.
Ang kalinisan anya sa katawan at kapaligiran ay senyales ng pagiging maka-Diyos.
Samantala, nadismaya rin ang grupong Ecowaste Coalition sa naturang insidente, hindi lamang sa Antipolo Cathedral kundi sa iba pang simbahan gaya sa Quiapo Church sa Maynila kung saan sako-sakong basura rin ang nakolekta.