SUSUPORTAHAN ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking labor group sa bansa, ang tambalan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice-presidential aspirant, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sa May 9 elections.
Kinumpirma ito ni TUCP president at party-list Rep. Raymond Mendoza.
Ayon naman kay TUCP spokesman Alan Tanjusay, ang desisyon ng grupo na suportahan ang tambalang BBM-Sara ay kasunod ng serye ng mga konsultasyon sa buong bansa sa mga miyembro ng labor groups at rank-and-file workers.
Sinabi ni Tanjusay na mayroon silang miyembro na nasa 1.2 milyong manggagawa.
Aniya, ang mga manggagawa sa major industries, gaya sa service, agriculture, at manufacturing ay kinonsulta sa pamamagitan ng online at hybrid face-to-face meetings na nagsimula noong huling bahagi ng nakaraang taon.
Idinagdag ni Tanjusay na masyadong malaki ang lamang ng nakuhang boto mula sa kanilang mga miyembro nina Marcos at Duterte-Carpio kumpara sa apat pang pares ng presidential at vice-presidential aspirants.