Kinumpirma na nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senador Alan Peter Cayetano ang kanilang tandem sa 2016 elections.
Ito ang inihayag nina Duterte at Cayetano sa opening ng isang Japanese restaurant sa Greenhills, San Juan, kagabi.
Ayon sa alkalde, makikipag-usap siya sa kanilang political party na PDP Laban sa Huwebes upang pormal na ayusin ang kanyang kandidatura kasama ang senador.
Samantala, inaasahan na ni Cayetano na hindi magiging madali ang kampanya ngayong opisyal ng nagdeklara si Duterte ng presidential bid nito.
***
Kaugnay nito, handang harapin ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Supreme Court ang anumang hahadlang sa kanyang presidential bid sa 2016 elections.
Tiniyak ni Duterte na handa at desidido na siya sa kanyang pagsabak sa presidential race.
Sakali anyang may magtangka na kumuwestyon sa certificate of candidacy ni PDP-Laban member Martin Diño ay ipauubaya na niya ito sa Commission on Elections (COMELEC).
Sinasabing naghain ng COC si Diño na kinalauna’y umatras sa presidential bid upang magbigay daan kay Duterte na tatayong substitute ng PDP-Laban.
Iginiit ng alkalde na kung may magtangka ay handa naman siyang maghain ng motion for reconsideration bago dumulog sa SC.
Nanindigan naman si Duterte na wala ng rason upang umatras siya sa halalan.
By Drew Nacino