Nangangamba ang isang Political Analyst sa posibleng tambalan ng mag-amang sina Pangulong Rodrigo at Davao City Mayor Sara Duterte sakaling palarin silang manalo sa 2022 National Elections.
Ayon kay Institute for Political and Electoral Reform Director at Prof. Ramon Casiple, bagaman hindi naman niya sinasabing bawal iyon sa saligang batas, hindi aniya maganda ang lilikhaing impresyon nito sa buong mundo.
Partikular na inihalimbawa ni Casiple sa nepotismo ang mangyayari kung matutuloy ang pag-upo ni Mayor Sara bilang Pangulo habang Bise naman niya ang amang si Pangulong Duterte.
Patuloy man sa pagtanggi ang Alkalde sa ginagawa niyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa, sinabi ni Casiple na iisa lang ang mensahe nito, ang paghahanda niya para sa mas mataas na posisyon sa darating na eleksyon.
Una nang itinanggi ng kampo ni Mayor Sara na pulitika ang ginagawa nilang pag-iikot sa iba’t ibang personalidad at partido taliwas sa pinalulutang ng mga kritiko nito.