Iniluluto na umano ang tambalan nina dating Interior Secretary Mar Roxas at Camarines Sur Representative Leni Robredo para sa 2016 Presidential elections.
Ito’y bunsod ng inaasahang pagkikita muli nina Roxas at Robredo sa Naga City, ngayong araw upang pangunahan ang panunumpa ng mga bagong miyembro ng Liberal Party na sasabak naman sa local polls.
Makakasama ni Roxas sa pagbisita sa Naga si Justice Secretary Leila de Lima, na isa ring Bicolana mula Iriga City na sinasabing may intensyong tumakbo sa pagka-Senador.
Samantala, pabor na rin ng ilang taga-LP gaya nina Senate President Franklin Drilon, Senador Serge Osmeña III at Mindoro Oriental Representative Rey Umali na maging running mate ni Roxas si Robredo.
Pressured
Na-pe-pressure na si Camarines Sur Representative Leni Robredo bunsod ng tumitinding panawagan na maging running mate siya ng Liberal Party (LP) standard bearer na si Mar Roxas sa 2016 Presidential elections.
Sa Facebook account ng Kongresista, ipinost nito ang larawan ng yumaong asawa na si dating Interior Secretary Jesse Robredo na may hawak na telepono at katagang “Can I use a lifeline just for today?”.
Aminado si Ginang Robredo na kung maaari lamang ay nais niyang sumanib sa kanya ang namayapang asawa upang makapag-desisyon ng maayos.
Inaasahang magpupulong muli ang mambabatas at si Roxas sa Naga City, Camarines Sur kasabay ng panunumpa ngayong araw ng mga bagong miyembro ng LP na sasabak naman sa local polls.
By Drew Nacino
Photo Credit: philstar.com