Ipinagpaliban na sa Marso 1, Biyernes ang pagsasara ng Tandang Sora flyover.
Nakatakda sana sa Pebrero 23 ang closure para bigyang daan ang konstruksyon MRT-7 Tandang Sora Station na tatagal ng dalawang taon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia sisimulan ang aktuwal na demolisyon sa kalagitnaaan ng Marso.
Tiniyak ni Garcia na nakahanda ang MMDA sa matinding pagsisikip ng trapiko na idudulot ng pagsasara ng flyover.
Una rito ay inihirit ng ilang residente ng Quezon City na ipagpaliban ng isa pang linggo ang pagsasara ng Tandang Sora Flyover upang mapaghandaan ang re-routing at matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko na idudulot nito.
Gayunman, napag-alaman na hindi kinonsulta ng contractor ng MRT-7 na E.E.I ang mga barangay at homeowner na maaapektuhan ng pagsasara ng tulay maging sa planong paglalagay ng elevated u-turn slot.
Sa hearing ng House Committee on Metro Manila Development kahapon, kabilang sa mga humiling ng 1-week extension si Quezon City Councilor Precious Hipolito Castelo.
Sinermunan naman ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang E.E.I dahil sa kakulangan ng koordinasyon nito sa mga barangay official at homeowner maging sa kabiguang maglagay ng re-routing plans.
—-