Sinimulan nang linisin ng pamahalaan mula sa mga bulok at kakarag-karag na mga sasakyan ang mga lansangan sa Metro Manila ngayong araw.
Kasunod ito ng pag-arangkada ng “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” campaign bilang bahagi ng transport modernization program ng pamahalaan.
Ayon kay Elmer Argano, pinuno ng i-ACT o ng Inter-Agency Council on Traffic, tatlong pangunahing kalsada ang magiging tutok ng kanilang operasyon partikular na ang EDSA, Commonwealth Avenue at Marcos Highway.
Giit ni Argano, magsisilbi itong babala sa mga nasa sektor ng transportasyon na hindi pa rin susunod sa naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na sa kalsada ang mga luma at hindi na epektibong mga pampublikong sasakyan.
Kasabay nito, sa panayam ng DWIZ, tinayak ni Department of Transportation o DOTr Undersecretary for Road Tim Orbos na hindi naman mababalam ang serbisyo at biyahe ng mga tsuper sakaling makitaan ng problema ang kanilang mga jeepney.
Gayunman sinabi ni Orbos na kinakailangang tumugon ng driver sa ibibigay ng subpoena o summon ng mga awtoridad at kailangang agad na mag-report o magpakita sa Land Transportation Office o LTO.
“Ang operational guideline, bibigyan sila ng summon na kailangan nilang dalhin ang sasakyan nila sa LTO para makita kung ano pa ang violations nila at dapat ayusin nila ang kanilang mga sasakyan.” Ani Orbos
Bagamat aminado na magiging mabigat ang nasabing kampanya ay umaasa si Orbos na mababawasan nito ang problema partikular kaugnay sa road worthiness ng mga bumibiyaheng sasakyan.
“Ang unang hakbang, Metro Manila muna, pero mabilis din ang pag-expand nito sa mga probinsya, titignan muna natin ang proseso since dito sa Metro Manila ang may pinakamalaking problema. Sana pagbigyan tayo dito at magtiwala, ito na po talaga ang full proof na proseso.” Pahayag ni Orbos
TINGNAN: Ikinakasang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ operation sa bahagi ng Robinson Mart, Marcos Highway | : @LTFRB pic.twitter.com/wzDp6ofsNw
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 8, 2018
—Aiza Rendon / (Ratsada Balita Interview)