Pinaigting ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang kanilang ‘Tanggal Bulok, Tanggal Usok’ campaign laban sa mga kakarag-karag na public utility vehicle (PUV).
Ito’y makaraang palawakin ng I-ACT ang operasyon ng naturang kampanya hanggang sa mga boundary ng Metro Manila, simula ngayong Biyernes, Enero 26.
Ayon kay I-ACT Task Force Alamid Head General Manuel Gonzales, kabilang sa saklaw ng kampanya kontra mga bulok na PUV ang mga lugar tulad ng Cavite, Laguna, Bulacan at Antipolo City, Rizal.
Nakaaapekto aniya sa daloy ng trapiko ang mga nabanggit na lalawigan lalo’t nagmumula dito ang karamihan sa mga pasaherong nagtatrabaho sa Metro Manila.
Ang expanded operations sa Mega Manila ay pangungunahan ng composite team ng I-ACT na binubuo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB);
Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP – HPG) at Joint Task Force – National Capital Region katuwang ang mga local government unit (LGU) sa mga naturang lugar.