Balik-operasyon na ang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros sa Maynila sa darating na Lunes, ika-15 ng Hunyo.
Batay sa inilabas na anunsyo, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente, balik-operasyon na ang kanilang punong tanggapan matapos na isailalim ito sa disinfection para maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Kasunod nito, inihayag ni Morente na maaaring tingnan ng kanilang mga kliyente, na may confirmed online appointment mula ika-8 hanggang ika-11 ng Hunyo, ang kani-kanilang mga bagong schedule sa opisyal na website ng BI sa immigration.gov.ph.
Samantala, ayon pa kay Morente, sa mga opisyal at empleyado ng ahensya na hindi pa sumasailalim sa COVID-19 test, ay maaaring patuloy na gampanan ang kanilang mga trabaho sa kani-kanilang mga bahay o work-from-home.
3,000 BI officials, employees isasailalim sa COVID-19 rapid test
Iniutos ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsasailalim ng nasa 3,000 mga opisyal at empleyado nito sa buong bansa na sumailalim sa mandatory coronavirus disease 2019 (COVID-19) rapid test.
Ayon sa pamunuan ng BI, layon ng kautusan na pangalagaan ang lahat ng mga empelyado nito na patuloy na ginagampanan ang tungkulin sa mga tanggapan ng BI.
Kasunod nito, ipinag-utos rin ni BI Commissioner Jaime Morente sa mga field offices at sub ports ng BI na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga local government units hinggil sa pagsailalim sa libreng COVID-19 tests sa mga frontline workers.
Giit ng pamunuan ng BI, sinumang hindi sasailalim sa testing ay hindi papayagang magbalik-trabaho.
Samantala, magugunitang pansamantalang isinara ang head office ng BI sa Intramuros sa Maynila makaraang magpositibo sa COVID-19 ang isa nitong empleyado.