Pansamantalang sarado ang punong tanggapan ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board sa loob ng limang araw sa susunod na linggo.
Ito ay matapos mabatid na limang empleyado ng ahensiya ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos isalang sa RT-PCR swab testing ng Philippine Red Cross.
Sa abiso ng LTFRB, sarado mula sa Lunes, Hulyo 13, hanggang Biyernes, Hulyo 17, ang kanilang central office para magbigay daan sa isinasagawang masusing disinfection sa pasilidad.
Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra, nagpasiya silang pansamantalang itigil ang operasyon ng kanilang central office bilang pag-iingat at para sa kaligtasan ng kanilang mga empleyado, stakeholders at maging ng publiko.
Sinabi naman ng LTFRB na bagama’t magkakaroon ng limitasyon, patuloy pa rin ang kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng online.