Kinumpirma ni incoming Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang mga pagbabago sa Malacañang Press Corps kabilang ang paglilipat dito sa mas malaking working area.
Binigyang diin sa DWIZ ni Andanar na marami siyang plano para sa Malacañang Press matapos ding makausap kahapon si outgoing Secretary Sonny Coloma at iba pang opisyal ng PCOO o Presidential Communications Operations Office.
“Naisip ko agad ay pagandahin ang opisina ng press corps sa Malacañang at siguro pag-aralan natin kung anuman ang idadagdag nating gadgets at kung anu pang services na puwede pang i-improve, palakasin ang internet, so there will be a press corps in Malacañang unless inatasan tayo ng Presidente, pero as far as I know we’re still in democracy and things will continue.” Ani Andanar.
Other plans
Kasabay nito, plano din ni incoming Presidential Communications Secretary Martin Andanar na gawing nationwide ang local program ni President-elect Rodrigo Duterte sa Davao City.
Sinabi sa DWIZ ni Andanar na mas maganda kung masasaksihan ng buong bansa ang nasabing programa ni Duterte para mabatid ng publiko ang ginagawa ng pangulo.
Gayunman, inihayag ni Andanar na si Duterte pa rin ang may pinal na pasya sa nasabing plano.
“In reality siguro once a week lang, we will also propose for this to be live on radio, live on television, it will also be printed, sa social media rin, we will be on all media platforms para mapanood ng ating mga kababayan.” Dagdag ni Andanar.
No media interview
Samantala, tumanggi pang mag-komento ni Andanar sa naging pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na hindi siya magpapa-interview sa media hanggang matapos ang kanyang termino.
Sinabi sa DWIZ ni Andanar na kakausapin muna niya ang mga kinauukulan bago siya mag desisyon ng susunod na hakbang hinggil sa usapin.
Binigyang diin ni Andanar na ayaw ni Duterte na hinahamon ito matapos lumabas ang report na pinabo-boykot ang media briefings nito.
“Alam niya kung nasa tamang argumento siya, alam mo naman si Mayor Rody eh magaling na abogado yan, so dun nagsimula o sige kung ibo-boycott niyo ako, e di i-boycott sabi niya huwag niyo akong i-cover sinabi din naman ni presidente na kung gusto niyo akong i-cover e di i-cover niyo ako kung ayaw niyo e di huwag, we’ll see I’ll talk to Secretary Sal Panelo and the others who are involved in the media group.” Ani Andanar.
By Judith Larino | Ratsada Balita