Ikinakasa na ng Tanggol Wika ang ikalawang motion for reconsideration nito sa Korte Suprema matapos magpasya ang hukumang alisin ang Filipino at Panitikan sa core subjects o required subjects sa kolehiyo.
Ang nasabing desisyon ng korte suprema, ayon kay Jonathan Geronimo ng Tanggol Wika ay nakakagalit at taliwas sa nakasaad sa konstitusyon.
Batay sa saligang batas, sa lahat ng antas ng edukasyon o sa buong sistema ng edukasyon, dapat ay mayroong Filipino bilang medium at bilang subject.
Sinabi ni Geronimo na malabong isulong ng lahat ng mga unibersidad at kolehiyo ang pagtuturo sa Filipino at Panitikan kung ipapaubaya ito sa mga paaralan.
Apektado rin aniya ng nasabing desisyon ng high tribunal ang kabuhayan ng maraming guro dahil mayroon nang mga guro ang inilipat sa senior high school mula sa kolehiyo.
Nilinaw naman ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na hindi pinapatay ng korte suprema ang Filipino kun ‘di ang mga paaralang kusang nagtanggal dito bilang kurso o subject at pumili ng Ingles bilang medium of instruction.
Binigyang diin ito ni KWF chairman at national artist Virgilio Almario na nagsabing hindi naman sila kontra sa Ingles kun ‘di hindi lamang ito ang kailangang maging medium of instruction.
Hindi aniya uubrang kontrahin ang nais ng konstitusyon na i-develop ang national language bilang medium of instruction o language of education.