Naagapan ang umano’y tangkang pagpaslang kay Senadora Grace Poe.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Manila Police District, may natanggap na impormasyon ang Barbosa PCP hinggil sa umano’y pagtatangka sa buhay ng senadora na nakatakdang magsagawa ng proclamation rally ngayong hapon sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila.
Dahil sa impormasyon, nagsagawa ng surveillance ang mga tauhan ng MPD sa isang parking lot sa R. Hidalgo Street sa nasabing lungsod.
Nagpositibo ang mga otoridad at agad na nasakote ang suspek na noo’y may dalang kalibre 45 na baril na may serial number na 190456 at kargado ng pitong bala.
Kinilala ni Police Superintendent Jackson Tullao, hepe ng Manila Police District Police Station 3 ang suspek na si Datu Ali Salinugin alyas Ali, 42-anyos, binata, at miyembro ng SSC gang ng Golden Mosque Compound sa Elizondo Street, Quiapo, Maynila.
Napag-alamang ang suspek ang naatasan na pumaslang sa senadora.
Hanggang sa ngayon ay isinasailalim pa rin sa interogasyon ang suspek.
By Avee Devierte | Aya Yupangco (Patrol 5)