Ipinag-utos na ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagkakasangkot nina Biñan Representative Marlyn “Len-Len” Alonte-Naguiat at dating Senador Jamby Madrigal sa panunuhol umano sa mga Bilibid inmate.
Ayon kay Alvarez, dapat alamin ang puno’t dulo ng nasabing isyu na nakitaan ng pattern ng panggugulo at destabilisasyon sa pamahalaan.
Binigyang diin ni Alvarez na mahalagang maimbestigahan ito ng Kamara dahil sa nakasalalay dito ang national security.
Hinamon naman ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na kasuhan si Alonte.
Ayon kay Fariñas, bilang nag-akusa, dapat patunayan ni Aguirre ang mga paratang nito.
Sinabi pa ng mambabatas na walang dahilan para magpaliwanag sa ngayon si Alonte dahil sa wala namang isinasampang kaso laban sa kanya.
Una rito, itinanggi rin ng Liberal Party ang alegasyon na nag-alok ang kanilang miyembro ng suhol kapalit ng pagbaliktad ng testimonya ng mga high profile inmate laban kay Senadora Leila de Lima.
Iginiit ni LP President at Senador Kiko Pangilinan na walang basehan ang mga akusasyon ng Justice Secretary.
By Ralph Obina