Napigilan ng militar ang tangkang pagpapasabog sa isang improvised explosive device o IED sa Brgy. Satan, Sharif Aguak, lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Western Mindanao Command (WesMinCom) Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr, ito’y sa pamamagitan ng tip mula sa isang concerned citizen na ipinaabot sa 1st mechanized infantry battalion.
Natagpuan ang nasabing IED sa nabanggit na barangay kung saan, agad itong kinordonan at saka isinailalim sa detonation ng mga tropa mula sa 32nd explosive ordinance disposal team.
Batay naman sa ulat ni Army’s 1st Mechanized Battalion Commander Lt/Col. Cresencio Sanchez, gawa sa 81 mm mortar round at dalawang RPG projectiles ang nasabing ied at mayruon ding radio controlled detonator.
Pinapurihan naman ng mga opisyal ng militar ang mabilis na pagresponde ng kanilang mga tauhan at maagapan ang mas malaking pinsala sakaling sumabog ang nasabing bomba.