Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na nagtangkang tumakas sa kanilang detention center ang self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa at dalawang iba pang bilanggo.
Ayon kay NBI OIC-Director Eric Distor, nakatanggap sila ng impormasyon na nagpa-plano sina Espinosa na pumuga sa pamamagitan ng pagdaan sa isang butas na kinalalagyan ng exhaust fan sa kisame noong January 13.
Gayunman, nag-inspeksyon anya sila sa piitan kinagabihan at bumungad sa raiding team ang dispalinghadong exhaust fan sa isa sa mga selda kung saan may malaking butas na kasya ang isang detainee upang makatakas.
Dahil dito, hinigpitan na ng NBI ang seguridad sa lahat ng kanilang detention facility at regular nang iniinspeksyon.
Disyembre noong isang taon nang ibasura ng Makati Regional Trial Court Branch 64 ang kaso laban kay Espinosa, Peter Co at dalawang iba pa dahil sa kabiguan ng prosekusyon na maglatag ng sapat na katibayan.