Hawak na ng Malacañang ang report ng Manila International Airport Authority o MIAA hinggil sa di umano’y panibagong insidente ng tanim bala sa airport.
Ipinaliwanag MIAA General Manager Ed Monreal na hindi ito insidente ng tanim bala na tulad ng nangyayari sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Monreal, isang bagahe na nakabalot ng plastic ang nakitaan ng bala nang isalang sa x-ray.
Sinabi ni Monreal na hindi naman kinakasuhan o pinatawan ng parusa ang pasaherong nakukunan ng bala.
“Hindi nga niya ina-admit na sa kanya ‘yung bala pero ibig sabihin may bala po doon sa bahage niya kasi minsan marami pang nagdadala, minsan ginagawang anting-anting, minsan nakakalimutan ang bala kung saan ginamit ‘yung bag, ang importante naman po ay kinukuha lang namin at pinapaalis din po sila.” Ani Monreal
Ayon kay Monreal, taliwas sa inaakala ng publiko, madalas pa rin silang may nakikitang bala sa mga bagahe.
Gayunman, malabo aniyang maging tanim bala pa ang mga ganitong insidente dahil wala nang dahilan para maglagay o manuhol ang pasahero.
“Kung halimbawa man na may makitang isa o dalawang piraso sa bagahe, ibigay na lang at i-surrender, wala namang ikakaso sainyo, ibigay na lang po at ido-dokumento lang natin ‘yan at makakaalis po kayo, siguro cooperation na lang po ang kailangan natin para maibsan ang ganitong agam-agam na tinataniman.” Pahayag ni Monreal
(Ratsada Balita Interview)