Inamin ni Vhon Tanto na napikon siya kaya siya bumunot ng baril at ipinutok sa nakaaway niyang siklistang si Mark Vincent Garalde.
Sa isang panayam inilarawan ni Tanto si Garalde bilang isang mayabang o arogante.
Matapos anya ang muntikang banggaan ng kanyang sasakyan at bisikleta ni Garalde, ibinaba niya ang kanyang bintana at humingi ng pasensya sa biktima.
Sinabihan pa anya niya si Garalde na mag-ingat dahil ang bisikleta ay dapat nasa gilid lang anya.
Pero kwento ni Tanto, agad siyang minura ni Garalde.
Dito na anya sila nagpang-abot kung saan liyamado anya si Garalde at na head lock pa siya nito.
May tumama anyang matigas na bagay sa kanyang ulo habang sila’y nagsusuntukan dahilan para dumugo ang kanyang mukha.
Hilong-hilo na anya siya noon at nagbanta pa umano si Garalde na babasagin nito ang salamin ng kanyang sasakyan.
Dito na anya nagdilim ang kanyang paningin lalo pa’t umiiyak na anya noon ang kanyang apat na taong gulang na anak na nasa loob ng sasakyan.
Kaya naman kinuha na anya niya ang kanyang baril mula sa loob ng sasakyan at saka ipinutok sa biktimang si Garalde.
Huwag tularan
Pinagsisisihan na ngayon ni Vhon Tanto ang kanyang ginawang pagbaril sa siklistang si Mark Vincent Garalde.
Sa isang panayam sinabi ni Tanto na natrauma ang kanyang 4 na taong gulang na babaeng anak matapos nitong personal na makita ang pagbaril niya sa biktima.
Nitong mga nakaraang gabi anya ay bigla na lamang nagigising sa pagtulog ang kanyang anak at umiiyak.
Muli anya kasing nakikita ng bata ang ginawa niyang pagbaril kay Garalde.
Giit ni Tanto, hindi niya intensyon ang nangyari at nagdilim lamang ang kanyang paningin.
Payo naman nito sa mga motorista, maging mahinahon sa kalsada at huwag siyang tularan.
By Jonathan Andal (Patrol 31)