Bumisita at nakapanayam ng DWIZ sa programang Balita Na, Serbisyo Pa ang TNVS driver na si Marlon Fuentes na naging tanyag dahil sa pagiging tapat nito sa kabila ng iniindang karamdaman, ang Tourette Syndrome.
Ang Tourette Syndrome ay isang sakit na nakakaapekto sa central nervous system ng tao na siyang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng involuntary movements ang meron nito tulad ng pagkurap, pangngiwi at pagpadyak.
Ayon kay Marlon, bata pa lang siya nang simulang kakitaan ng sintomas at tinukoy na baka ito ay mannerism lamang. Ngunit sa tulong ng Philippine Tourette Syndrome Association, mas naliwanagan si Marlon sa kanyang kondisyon nang magpatingin siya sa isang neurologist.
Samantala, naisipan ring ilagay ni Marlon ang karatula na may nakalagay na “I have Tourette Syndrome, hope you can understand my condition.” sa kanyang sasakyan na minamaneho upang ipaintindi sa mga pasahero ang kanyang kalagayan at ibsan ang kanilang mga takot.
Noong naglagay ako ng placard na iyon, nag-iba ang tingin nila sa akin. Pero meron pa ring kinakabahan talaga, natatakot pa rin. Pinapaliwanag ko sa kanila ang aming mga paggalaw galaw o ‘yung involuntary movements.
Malaking bahagi o tulong rin sa laban ni Marlon ang suporta ng kanyang pamilya. Aniya, hindi rin siya magsasawang ibahagi ang kanyang istorya upang magsibling inspirasyon sa publiko.
Gusto namin sa pamilya ko na maibahagi ang aming istorya, para mas maintindihan kami ng tao at upang hindi na namin kailangan pang magpaliwanag sa kanila. Malaki ang naitulong sa akin nung nag-viral ang video sa Facebook. Napakita namin na kahit ganito kami, mayroon kaming kayang patunayan.
Huling mensahe ni Marlon, huwag panghinaan ng loob sa mga oras na may dumarating na problema.
Huwag kayong panghinaan ng loob, ang isipin niyo lang kung ano ang kaya niyong gawin. Mayroon kang misyon at ginagamit ka ng Diyos upang magsilbing instrumento.
Sa panig naman ng film maker na si Florence Rosini na nagbahagi ng kuwento ni Marlon, naantig siya sa istorya ng buhay ng TNVS driver kaya siya nagdesisyon na itampok ito sa short film na kanilang binuo.
Nung nakita ko kasi ‘yung placard. Nakaka-inspire siya. So naisipan namin na isali siya sa Istorya ng Pag-Asa, para magkaroon din ng awareness regarding Tourette syndrome.
Laking pasasalamat din ni Florence sa pamilya ni Marlon sa pagpapahintulot sa kanilang grupo na ibahagi ang natatanging kuwento nito.
Naging transparent naman kami kung ano ang goal namin. Sobrang laki ng pasasalamat namin sa pamilya ni Kuya Marlon dahil naging very accommodating sila kahit di nila kami personally kakilala.
Dagdag pa ni Florence, bonus na lang ang pagkakapanalo ng kanilang pelikula sa Istorya ng Pag-Asa Film Festival na inorganisa ng Office of the Vice President at Ayala Foundation.
Bonus na lang iyon, ang goal lang namin ay ipaalam ano ba ‘yung Tourette Syndrome, nararamdaman ko ang struggle nila eh. Will still continue to make inspirational films in the future, ang sarap kasi sa feeling na nakikita mo ang epekto nito at ‘yung alam mong nakakatulong ka.