Nang tanungin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung paano ia-assess ang kanyang performance ngayong 2023, ang sagot niya: “the year of structural changes.”
Sa isang panayam sa Tokyo, Japan, ipinahayag ng Pangulo na mahalaga para sa recovery ng bansa ang mga pagbabagong ito dahil na rin sa economic challenges na dulot ng COVID-19 pandemic.
Tumutukoy ang structural change sa pagbabago sa paraan kung paano pinapatakbo ang ekonomiya.
Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya, naging limitado ang pagkilos sa ekonomiya. Pili lang ang mga negosyong pinayagang mag-operate upang maiwasan ang mataas na transmission ng virus.
Ngayong tinanggal na ang State of Public Health Emergency status ng bansa sa bisa ng Proclamation No. 297, unti-unti nang nakabangon ang ekonomiya dahil na rin sa pagbubukas muli ng mga negosyo. Ayon nga kay Pangulong Marcos, isa sa mahahalagang reporma ngayong taon ang pagpapagaan sa pagtatayo ng negosyo.
Makikita ang epekto nito sa ekonomiya dahil base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula 4.3% sa second quarter, lumago ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa third quarter ng 5.9%. Dahil sa performance na ito, itinuring ang Pilipinas bilang pinakamabilis sa mga umuusbong na ekonomiya sa Asya.
Bukod dito, binanggit din ni Pangulong Marcos na makabuluhan ang pagbabago sa tax structure ngayong 2023. Aniya, mahalaga ang structural changes dahil kailangang i-remodel at ire-adjust ang fiscal, monetary, at fiscal policies ng bansa upang tuluyang makalayo sa itinaguriang COVID economy. Naniniwala naman siyang magkakaroon ng magandang epekto sa 2024 ang structural changes sa taong ito.
Para naman sa kanyang outlook sa susunod na taon, ipinahayag ng Pangulo na hindi magbabago ang layunin ng administrasyon niyang ituloy ang modernization ng pamahalaan.
Ika nga ni Pangulong Marcos, “We’re moving in the right direction.” Aminado man siyang mabagal ito, sinabi naman niyang, “we will just keep pushing and pushing” para na rin maramdaman na ng bawat Pilipino ang epekto ng mga pagbabagong ito.