Epektibo na ngayong araw, ang tapyas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa anunsiyo ng kumpaniyang Cleanfuel, Seaoil, Pilipinas Shell, Petrogazz, Caltex, PTT Philippines, at Jetti Petroleum, ipatutupad ang 60 centavos na bawas-singil sa kada litro ng diesel.
Nasa 25 centavos naman ang magiging tapyas-presyo sa kada litro ng gasolina at kerosene.
Una nang nagpatupad kaninang madaling araw ang Cleanfuel at Caltex na susundan naman ng Pilipinas Shell, Petrogazz, Seaoil, PTT, at Jetti, alas-6:00 ng umaga kanina.
Samantala, inaasahan naman ng World Bank na bababa pa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa susunod na taon, sa kabila ng pag-anunsyo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries at mga kaalyado nito na OPEC+, na gumawa ng pinakamalaking pagbawas sa output mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic.