Good news para sa mga motorista!
Kasado na bukas, ang muling tapyas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa pahayag ng ilang kumpaniya ng langis, maglalaro sa P1.20 hanggang P1.50 ang magiging bawas sa presyo ng kada litro ng diesel; aabot naman sa 40 centavos hanggang 50 centavos ang magiging tapyas-singil sa kada litro ng gasolina.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Dir. Rino Abad, nasa P1.93 naman ang magiging bawas-singil sa kada litro ng kerosene.
Nabatid na ibinase ang projection sa presyo ng langis sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading noong Setyembre a-5 hanggang a-9 kung saan, ito umano ang ginagamit ng mga kumpaniya ng langis sa lahat ng kalakalan sa pagitan ng mga nagbebenta at bumibili ng produktong petrolyo.
Dahil dito, ang year-to-date price adjustments sa pinakahuling rollback ng presyo ng kada litro ng gasolina ay umabot na sa P16.95; P36.25 sa kada litro ng diesel; at P31.60 naman sa kada litro ng kerosene.