Epektibo ngayong araw ang pagpapatupad sa panibagong tapyas-singil sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa ilang kumpaniya ng langis, nasa 45 centavos ang magiging bawas-singil sa kada litro ng gasolina.
P1. 45 centavos naman ang magiging tapyas sa presyo ng kada litro ng diesel habang P1. 70 centavos naman ang magiging bawas-singil sa kada litro ng kerosene.
Una nang nagpatupad ng Oil price adjustment kaninang madaling araw ang kumpaniyang Caltex at Cleanfuel habang mamayang alas-6 naman ng umaga, ilalarga na ng kumpaniyang Petro Gazz, Seaoil, Shell, Petron, Flying V, JETTI Petroleum, PTT Philippines, Unioil at Phoenix Petroleum ang kaparehong presyo sa produktong petrolyo.
Nabatid na ito na ang ikalawang linggong Oil price rollback ng mga kompanya ng langis matapos ang dalawang magkasunod na oil price hike.
Ang bawas-presyo sa langis ay bunsod umano ng pangamba sa recession sa Europa at Amerika, gayundin ng mga lockdown sa China bunsod ng Covid-19.