Malabong makamit ang target na makapagbenta ng mas murang bigas sa unang quarter ng susunod na taon.
Ito ang inamin ni Agriculture Secretary William Dar sa kabila ng pahayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na kakayaning magbenta ng 20 pesos na kada kilo ng bigas simula sa unang quarter ng taong 2023.
Ayon kay Dar, isang malaking hamon ang “campaign promise” ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ibaba ang presyo ng bigas.
Bagaman suportado ng kalihim ang paghahangad ni Marcos na price cut, marami anyang prosesong pagdaraanan bago ito makamit.
Ipinaliwanag ng DA Secretary na mahabang panahon pa ang pagdaraanan bago tuluyang maibaba sa 20 pesos ang kada kilo ng bigas.
Base anya sa kanilang analysis, dapat munang maibaba ang production cost ng palay na ngayon ay nasa 15 pesos na ang kada kilo ng farm gate price sa bansa.
Gayunman, inaasahang tataas pa ang production cost dahil nagmahal ang fertilizer at oil products dulot ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia kaya’t malaking palaisipan kung paano pa ibaba ang presyo ng bigas.
Samantala, umaasa ang kalihim na tatalakayin nila sa task group on food security ang sinasabing formula ng DAR upang maibaba ang presyo ng bigas.