Umaksyon kaagad ang lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac makaraang abisuhan sila ng Department of Health (DOH) na dalawa sa mga Pinoy repatriates na nasa New Clark City ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan, makaraang abisuhan sila ng DOH hinggil dito ay kaagad nilang ipinag-utos ang pagpapalipat sa mga naturang COVID-19 patients sa JBL Regional Hospital sa San Fernando City, kagabi.
Kagabi rin umano ay inilipat din mula sa JBL ang mga pasyente sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Immediately kahapon inabisuhan ng RITM ang DOH pagkatapos tayong inabisuhan atin ng ipinag-utos at ang DOH na immediately yung dalawa ay ilipat na sa JBL Regional Hospital sa San Fernando, Pampanga at isolation area at ang balita ko kagabi din ay ililipat sa may San Lazaro Hospital,” ani Catacutan.
Samantala, tiniyak naman ni Catacutan na walang pakikisalamuhang nangyari sa pagitan ng dalawang Pinoy repatriates na positibo sa virus at sa nalalabing 443 repatriates.
Paliwanag ng Alkalde, mayroong kanya-kanyang kwarto ang mga ito at hindi sila pinapayagang makipag-usap.
Dagdag pa nito, ngayong araw ang send-off ceremony o pagtatapos ng mandatory quarantine period ng mga naturang repatriates.
Yung 443 ay simula ngayong 9:00 ay susunduin na ng kani-kanilang pamilya at yung iba ihahatid na ng DOH, DFA at sa airport para lumipad na sa kanilang kanyan-kanyang probinsya,” ani Catacutan. — panayam mula sa Ratsada Balita.