Bumuo na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng inter-agency task force na tinawag na DILG Inter-Government Operations Network Group o Task Force Digong.
Ito’y bilang bahagi ng kampanya kontra illegal drugs ng Duterte administration sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP).
Mismong si Interior Secretary at National Police Commission Chairman Ismael Sueno ang mamumuno sa bagong tatag na task force kasama si Undersecretary for Operations John Castriciones bilang Deputy Chair.
Sa ilalim anya ng Task Force Digong, aalamin nito ang katotohanan sa likod ng pagkakasangkot ng ilang government official sa illegal drugs upang mapanagot sa batas ang mga nagkasala at malinis sa kasalanan ang mga inosente.
Kabilang sa Task Force Digong ang mga kinatawan mula PNP, Bureaus of Fire Protection, Jail Management and Penology, Philippine Public Safety College, Local Government Academy at Local Government Officials.
By Drew Nacino