Itinatag ng Department of Health (DOH) ang task force MERS-CoV (Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus) para mas paigtingin ang awareness at vigilance ng mga Pinoy para maiwasan ang pagkalat ng naturang karamdaman.
Nagsasagawa na sa ngayon ang task force ng contact tracing para tuntunin ang mga taong nakasalamuha ng Saudi national na nasawi noong Setyembre 29 habang ginagamot sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM).
Nabatid na Setyembre 26 nang mag-develop ang mga sintomas ng MERS-CoV sa dayuhan kabilang ang ubo, lagnat at panginginig dahilan para dalhin ito sa ospital noong Setyembre 28 at inilipat lamang sa RITM nang lumala ang kondisyon nito ngunit nasawi rin kinabukasan ng Setyembre 29.
Naka-quarantine na ang 12 health workers na tumingin sa pasyente ngunit nag-negatibo sa MERS-CoV ang mga ito.
Imo-monitor ang lagay ng mga ito sa loob ng 14-araw para matiyak na hindi sila nahawahan ng sakit.
By Mariboy Ysibido