Ni-re-convene na ng Department of Agriculture ang kumite na tututok sa pag-monitor ng presyo at supply ng livestock at poultry products sa bansa.
Sa Special Order 19, na nilagdaan ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, ipinag-utos ng DA ang pagbuhay sa price and volume watch committee for livestock and poultry.
Binuo ang nasabing lupon alinsunod sa DA Special order 124 noong isang taon.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, makatutulong ang pagbuhay sa watch committee at advisory groups upang mabatid kung sapat ang supply ng anumang commodity, partikular ng karne.
Magsisilbi ang kumite bilang technical advisory body sa DA secretary sa issue ng supply and demand situation ng livestock commodities, presyo at volume, maging volume gaps ng meat products.
Inatasan din itong bumuo ng mga hakbang upang matugunan ang mga issue sa supply, importation, prices at inventories.
Magiging bahagi nito ang assistant secretary for consumer affairs bilang chairperson at director ng Bureau of Animal Industry bilang co-chairperson.
Kabilang naman sa mga magkakaroon ng kinatawan sa kumite ang national livestock program, Philippine Council for Agriculture and Fisheries, National Meat Inspection Service at Philippine Carabao Center.