Bumuo na ng task force ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsisiyasat sa umano’y mga anomalyang kinasasangkungtan ng kanilang mga empleyado at opisyal.
Kasunod ito ng ipinalabas na report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa mahigit P100-bilyong halaga ng mga naantala at hindi naimplementang proyekto ng kagawaran noong 2019.
Sa ipinalabas na department order ni DPWH Secretary Mark Villar, pamumunuan ni Assistant Secretary Mel John Verzosa ang itinatag na Task Force Against Graft and Corruption (TAG).
Layunin ng TAG na imbestigahan ang sinasabing anomalyang kinasangkutan ng ilang mga opisyal at empleyado ng DPWH batay sa mga inihaing reklamo.
May karapatan din ang task force na magbigay ng rekomendasyon sa Office of the Secretary hinggil sa nararapat na aksyon laban sa mga mapatutunayang tiwalang opisyal at empleyado ng kagawaran.