Naniniwala ang ama ng 14-anyos na binatilyong si Reynaldo de Guzman alyas ‘Kulot’ na mga miyembro ng Caloocan City Police ang pumatay sa kanyang anak.
Hinala ni Eduardo Gabriel, ama ni Reynaldo, pinatay ang kanyang anak ng mga pulis-Caloocan dahil maaari itong maging testigo sa pagkakapaslang sa 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz.
Dagdag ni Ginoong Eduardo, pinaghiwalay lang aniya ng lugar ang kanyang anak at si Arnaiz dahil sila ang huling nakitang magkasama bago kapwa mawala at mapaslang noong Agosto 17.
Samantala, naniniwala naman si Gapan City Nueva Ecija Mayor Emerson Pascual na nais lamang iligaw ng mga salarin ang imbestigasyon sa pagkakapaslang kay Arnaiz kaya sa kanilang lungsod itinapon ang bangkay ni De Guzman.
Giit ng alkalde, isa ang Gapan sa pinakatahimik na bayan sa Nueva Ecija kaya nararapat lamang na magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon sa pangyayari.
Magugunitang, natagpuan ang bangkay ni De Guzman alyas Kulot sa ilalim ng tulay sa Barangay San Roque noong Martes kung saan tadtad ito ng saksak at nakabalot ng packing tape ang ulo nito.
AR / DWIZ 882