Tatlo ang kumpirmadong nasawi habang isa ang sugatan matapos sumalpok ang isang truck sa community quarantine checkpoint sa Maramag, Bukidnon kaninang madaling araw.
Ayon kay Bukidnon Provincial Police Office Chief P/Col. Roel Lami-Ing, nangyari ang aksidente mag 11:00 kagabi sa bahagi ng Sayre Highway, Camp 1 sa nabanggit na bayan.
Dead on arrival sa Bukidnon Provincial Hospital ang 2 biktima na kinilalang si Jomalyn Buhayon at Margie Maribao, kapwa barangay health worker sa naturang lugar.
Gayundin ang kagawad ng barangay Poblacion North na si Aldren Gaitera na pumanaw dakong 9:00 ngayong umaga.
Habang agaw buhay naman sa kaparehong ospital isa pang health worker na si Beth Lumanca.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, naka-inom ang driver ng 10 wheeler truck na nakilalang si Jimuel Ompoc na nagtangka pang tumakas subalit naaresto rin kalaunan.
Dahil dito, ikinakasa na ng pulisya ang patumpatong na mga kasong isasampa laban kay Ompoc tulad ng reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injury.