Nakalabas na ng Aklan Provincial Hospital ang tatlong Chinese na batang kabilang sa mga binabantayan dahil sa posibilidad ng pagkakaroon ng novel coronavirus (2019-nCoV).
Ayon Aklan Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon Jr., isa mga nabanggit na pasyente ang anim na taong gulang na batang galing Wuhan, China.
Aniya, nagnegatibo sa 2019-nCoV ang nabanggit na bata pero nakaranas ito ng pneumonia.
Habang ang dalawa pang batang pasyente ay nagmula naman ng Shanghai at hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test sa mga ito.
Gayunman, iginiit ni Cuachon na mas malaki rin ang posibilidad na pneumonia ang sakit ng dalawang bata batay na rin sa nakitang sintomas.
Samantala, dalawang Chinese national na nakatakda na sanang bumalik ng China ang isinugod din sa Aklan Provincial Hospital, kahapon.
Gayunman agad ding dinis-charge ang mga ito matapos na hindi tumugma sa criteria para sa 2019-nCoV ang mga sintomas na nakita sa mga ito.