Pinalaya na ng Abu Sayyaf ang tatlong bihag nitong Indonesian na dinukot mula Sabah, Malaysia matapos ang serye ng sagupaan sa pagitan ng militar at bandidong grupo.
Itinurn-over ng ASG ang mga banyaga sa Moro National Liberation Front sa barangay Buanza at dating Sulu Governor Abdusakur Tan Sr. sa bayan ng Indanan.
Matapos nito ay isinailalim ang mga bihag sa kustodiya ng joint Task Force Sulu at Sulu Provincial Police Office at dinala sa isang military station hospital sa Camp Teodulfo Bautista sa barangay Bus-Bus, Jolo.
Hindi muna pinangalanan ng militar ang mga Indonesian habang tumanggi ring magbigay detalye kung nagbigay ng ransom ang pamilya ng mga biktima o ang kanilang gobyerno.