Mahaharap sa patumpatong na kaso ang ilang dati at kasalukuyang opisyal ng bayan ng Alitagtag, lalawigan ng Batangas.
Ito’y makaraang masakote ng pulisya ang Konsehal ng bayan na si Jerome Garcia, Chairman Antonio Chavez ng Brgy. Dominador East at dating Vice Mayor na si Manuel Gutierrez dahil sa ilegal na tupada.
Sa ikinasang operasyon ng Batangas Provincial Police Office Intelligence Unit noong Setyembre 30 ng taong ito, nahuli sa akto ang tatlo na nagtutupada sa isang sabungan sa nabanggit na lugar.
Nakumpiska sa mga ito ang 12 manok na panabong, 36 na mga tari at tinatayang nasa P30,000 halaga ng pusta.
Dahil dito, kabilang sa mga kasong isasampa laban sa mga nabanggit ay paglabag sa Bayanihan to Recover as One Act at illegal cockfighting lalo’t ipinagbabawal pa rin ang tupada o sabong sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang buong lalawigan.