Balik-bansa na ang tatlong Filipino diplomat na nakulong at kinasuhan ng kidnapping sa Kuwait matapos na hindi magustuhan ng mga Kuwaiti government officials ang kanilang ikinasang operasyon para iligtas ang mga distressed Filipino workers doon.
Kasunod na rin ito ng paglagda ng mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait sa Memorandum of Understanding para sa kapakanan ng mga OFWs gayundin ang pag-alis sa deployment ban sa nasabing bansa.
Alas dos ng hapon, kahapon ng dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang tatlong nasabing diplomat sakay ng Kuwait airways flight KU 417.
Sinalubong sila ng sampung opisyal ng Department of Foreign Affairs kasama si special envoy to Kuwait Abdullah Mama-o.
Una na ring nakalaya ang apat na Filipino drivers na kasama rin sa kontrobersyal na rescue operations sa Kuwait at inaasahang uuwi na rin ng Pilipinas anumang araw mula ngayon.
Magugunitang, nagalit ang mga Kuwaiti officials matapos na mag-viral sa social media ang isinagawang rescue operations ng mga tauhan ng embahada ng Pilipinas sa dalawang OFW sa nasabing bansa.