Nakatakdang isumite sa Office of the House Speaker ang tatlong impeachment complaint na inihain ng iba’t ibang grupo laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni House Secretary General Reginald Velasco, matapos ang verification process para sa tatlong reklamong inendorso ng ilang kongresista laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Sec Gen. Velasco, pasok ang mga nasabing reklamo batay sa pagsusuri ng legal department.
Aniya hinihintay pa nila ang mga karagdagang impeachment complaint sakaling mayroon pang hahabol para maghahain ng reklamo sa pangalawang pangulo.
Una nang inihayag ng House Official, na mayroon pang mga kongresista mula sa majority bloc na nagpahayag ng kanilang intensyon na mag-endorso para sa ika-apat na reklamo.
Inaasahan naman ni Sec Gen. Velasco, na sa susunod na linggo ay may desisyon na ang mga mambabatas para sa paghahain ng panibagong impeachment complaint.
Sakaling maipadala na ng Office of the Secretary General sa Office of the Speaker ang mga reklamo laban kay VP Sara, ay mayroon itong 10 session days upang ipadala sa house committee on rules.
Habang magkakaroon naman ang rules committee ng tatlong session days para i-refer ang reklamo sa House Committee on Justice, na siyang mangunguna sa pagdinig. – John Riz Calata