Tatlo ang patay sa pag-atake ng isang lalaki sa palasyo ng hari ng Saudi Arabia sa Jeddah City.
Pinagbabaril ng suspek na kinilalang si Mansour Al-Amri, 28 taong gulang na Saudi national ang dalawang guwardya sa labas ng Al-Salam palace.
Nagmamaneho ang suspek patungo sa gate ng palasyo nang harangin siya sa checkpoint kung saan nagsimula siyang mamaril gamit ang Ak-47.
Ayon sa Saudi interior ministry, agad nasawi ang dalawang guwardya habang gumanti ng putok ang iba pang royal guard dahilan upang bawian ng buhay si Mansour.
Nasa Russia si Saudi king Salman para sa kanyang state visit at bagaman sinasabing naninirahan sa Al-Salam si Crown Prince Mohammed Bin Salman, hindi na idinetalye ng Saudi government kung nasa palasyo ang prinsipe.
Inaalam na kung may kaugnayan sa mga terrorist group ang napatay na suspek maging ang kanyang motibo sa pag-atake.