Tatlong (3) mambabatas ang nag-endorso sa inihaing impeachment complaint laban kay COMELEC o Commission on Elections Chairman Andres Bautista.
Ito ang unang rekesitos upang ganap na tanggapin ng mababang kapulungan ng kongreso ang inihaing reklamo nila Negros Oriental Representtaive Jacinto Paras at Atty. Ferdinand Topacio.
Kabilang sa mga mambabatas na tumayo bilang endorser ng nasabing reklamo sina Deputy Speaker Gwen Garcia, Kabayan Partylist Representtaive Harry Roque at Cavite Representative Abraham Tolentino.
Sa panayam kay Congressman Garcia, sinabi nito na maliban sa alegasyon ng umano’y tagong yaman, malinaw din aniya ang nangyaring dayaan noong eleksyon kaya’t dapat din itong panagutan ni Bautista.
No comment yet
Hindi muna naglabas ng pahayag si COMELEC Chairman Andres Bautista kaugnay sa impeachment complaint na isinampa laban sa kanya sa Kamara kahapon.
Ayon kay Bautista, maglalabas siya ng pahayag kapag nahawakan at nabasa na niya mismo ang kopya ng inihaing reklamo.
Aniya ang mahalaga sa kanya sa ngayon ay ang kapakanan ng kanyang apat na anak na naipit na awayan nila ng kanyang dating asawang si Patricia.
Matatandaang lumiban si Bautista sa pagdinig ng House Appropriations Committee kahapon sa pagdinig ng budget ng COMELEC para makipag-meeting sa guidance counselor ng kanyang mga anak.
By Jaymark Dagala / Rianne Briones/ (Ulat ni Jill Resontoc)
SMW: RPE